Hinikayat ni dating Sen. Gregorio “Gringo” Honasan ang Senado at House of Representatives na magkaroon ng dayalogo para maplantsa ang kanilang mga isyu sa isinusulong na paga-amyenda sa mga economic provisions ng 1987 Constitution.
Ayon kay Honasan, makabubuti kung pag-uusapan ng pribado ng mga kongresista at senador ang mga hindi nila pagkakasundo sa halip na ilabas ito agad sa media at sa publiko.
Mensahe ito ni Honasan kasunod ng pagtiyak niya ng suporta sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 na nagsusulong ng economic Charter Change (Cha-cha).
Diin ni Honasan, mahalagang mareporma ang economic provisions sa Saligang Batas dahil kawawa ang mga Pilipino kung mananatili tayong sarado sa mga dayuhang mamumuhunan.
Naniniwala si Honasan na panahon na upang amyendahan ang Konstitusyon at hindi dapat na katakutan ang pagbabago lalo kung makakatulong ito sa pag-unlad ng pamumuhay ng mga Pilipino.