Pinagpapaliwanag ni Senator Imee Marcos ang National Economic Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) kung bakit isang dayuhang kompanya na nababahiran ng mga kontrobersya ang nanalong bidder para gawin ang National ID system.
Katwiran ni Marcos, ang integridad ng ating eleksyon, seribisyo ng mga bangko, healthcare insurance, contact tracing at paghahatid ng mga ayuda ng gobyerno ay ilalagay sa peligro kung papalpak ang National ID system.
Sa impormasyon ni Marcos ay binago ang rules sa kalagitnaan ng bidding process kaya natirang kwalipikadong kompanya ang Indian na Madras Security Printers at ang Philippine partner nito na Mega Data Corporation.
Sa impormasyon ni Marcos, ang orihinal na bidding requirement ay dapat may on-premises system na may siguradong naka-set up na data center sa mapipiling lugar, pero nabago ito at napagpasyahang magkaroon din ng remote hosting ng data sa isang cloud-based system.
Dahil dito, ay nagback-out ang ibang bidder sa ginawang selection process dahil gipit na sa panahon para baguhin at ayusin ang kanilang logistics at financial bid proposals at makahabol sa itinakdang deadline na ni-reset ng PSA.
Iginiit ni Marcos na nananatiling tadtad ng kontrobersya ang Madras sa mga kontrata nito sa ibang mga bansa, tulad ng kabiguan umano nitong makapag-deliver ng halos 500,000 cards para sa driving license project ng Bangladesh Road Transport Authority.
Tinukoy ni Marcos, na iniulat din ng African Media na ang Madras ang nagbigay sa Kenya Bureau of Standards ng markang dekalidad ang stamp, gayong madali itong magalaw dahil gawa lang ito sa ordinaryong adhesive paper na nagpalala pa sa pagpasok sa bansa nila ng mga puslit na produkto.