Nagtungo sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) ang kampo ng dayuhang kompanya na sinalakay ng mga awtoridad sa Las Piñas City.
Ito ay kasunod na rin ng gaganaping inquest proceedings ngayong araw laban sa mga nadakip na foreign nationals.
Ayon kay Atty. Christian Vargas, abogado ng Xinchuang Network Technology, plano nilang magsampa ng kaso laban sa PNP-ACG at iba pang ahensya, dahil sa iligal na pagpigil ng mga awtoridad sa mga tauhan ng pinasok na kompanya.
Mula noong Lunes aniya ng gabi ay hindi na pinapayagang makalabas ang mga tauhan ng naturang kompanya.
Ang mga Pilipinong tauhan na pinayagang makalabas ay pinapirma umano ng dokumento para sabihin sila ay nailigtas.
Itinanggi rin ng kampo ng sinalakay na kompanya na sangkot sila sa iligal na aktibidad.
Paglilinaw pa ni Atty. Vargas, lehitimo ang kompanya at wala itong kinasasangkutang iligal na aktibidad, partikular ang alegasyong human trafficking.
Samantala, nakaantabay na rin si Atty. Vargas sa isasagawang preliminary investigation ng DOJ.