Pumasok na rin ang Bureau of Immigration o BI sa imbestigasyon sa kasong kinasangkutan ng magkapatid dayuhang varsity players ng Adamson University matapos na itulak at tangkaing manuntok ng isang pari sa loob ng gym ng Unibersidad sa Ermita, Maynila.
Sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na bagamat nasa pulisya na ang kaso, titignan nila kung may nalabag na Immigration Law si Papi Sarr, 28 anyos, varsity player ng Adamson at isang Cameroon National.
Posible ring makipag-ugnayan ang BI sa Manila Police District o MPD at sa pamunuan ng Adamson University kung kakailanganin.
Nauna ng dinala sa MPD- General Assignment and Investigation Section ang suspek at kapatid nitong si Abdul Asis Sarr kasunod ng reklamo ng Athletic Director ng Unibersidad na si Father Aldrin Suan.
Sa salaysay ng pari, sinabi nitong isinilbi niya lamang ang dismissal letter laban sa dayuhan habang itoy nasa kanilang gym pero ikinagalit ito ng suspek at nilamukos ang papel at itinapon sa kanyang dibdib at pinagsisigawan pa siya ng maaanghang na salita.
Dumating ang kapatid ng varsity player at dito ay kinwelyuhan ang pari at tinangka raw itong suntukin pero naawat lamang ng ibang mga manlalaro.
Kinumpirma naman ni Police Captain Arnold Echalar, hepe ng MPD-GAIS na naisampa na nila ang mga kasong unjust vexation at light threat laban sa dayuhan na ngayon ay nananatili sa kulungan.