DBM: Budget deficit ng bansa sa susunod na taon hanggang 2028, posibleng bumaba na

Inaasahan ng Department of Budget and Management (DBM) na bababa na sa 5% ang budget deficit ng Pilipinas sa susunod na taon mula sa 6.1% ngayong taon.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ito ay batay sa medium term fiscal framework na kanilang sinusundan.

Ang ibig sabihin ng budget deficit ay mas malaki ang ginagastos kesa sa kinikita ng bansa.


Sinabi ng kalihim na batay sa medium term fiscal framework, pababa na ng pababa ang budget deficit ng bansa at pagsapit ng taong 2028 na aabot na lamang sa 3%.

Inamin naman ng kalihim na kailangan pa rin naman talagang umutang ang bansa, ngunit kailangang lumiliit ang inuutang.

Matatandaang una nang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi utang ang dapat na ipamana sa susunod na mga henerasyon.

Kaya importante aniyang may disiplina at mapangasiwaan nang mahusay ang budget ng bansa at hindi ang ipagyabang pa ang inuutang.

Para sa president, ang isang mahusay na gobyerno ay may mahusay na paggugol sa pondo na may tamang layunin.

Facebook Comments