Dinepensahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagkakaroon ng confidential at intelligence funds ng ilang ahensya ng gobyerno.
Sa isang panayam, sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang mga ahensyang humingi ng surveillance funds ay gumawa ng request na may kaakibat na plano para rito.
Partikular na tinukoy ni Pangandaman ang 150 milyong pisong confidential funds ng Department of Education (DepEd) na siyang ni-request mismo ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio sa gabinete.
Ayon sa kalihim, idinetalye ni Duterte-Carpio kung saan ito gagamitin na siyang sinangayunan ng gabinete kaya inarpubahan ito ng DBM.
Dagdag pa nito, bago aniya ito magamit ay kailangan magsumite sa Commission on Audit (COA) kung ano ang nature ng mga proyekto o programa na paggagamitan nito.
Samantala, nilinaw rin ni Pangandaman na kaya hindi nakakuha ng pondo ang Special Education Program sa susunod na taon ay bunsod ng mayroon pa itong hindi nagagamit na pondo sa 2022 budget na maaaring gamitin sa 2023.