Inamin ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi sila sigurado kung kailangan na ang COVID-19 booster shots kaya ito inilagay sa unprogrammed funds sa ilalim ng 2022 national budget.
Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations, natanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo si DBM Officer-in-Chief (OIC) Tina Rose Marie Canda kung bakit ang third shot na booster ay hindi kasama sa programmed funds gayong sinasabi ng mga economic managers na mahalaga ang vaccination para sa pagbangon ng ekonomiya.
Aminado si Canda na inilagay sa unprogrammed funds ang COVID-19 booster vaccines dahil hindi pa nila batid kung kailangan na ito.
Ang COVID-19 booster shots ay may P45 billion sa ilalim ng unprogrammed funds na inamin naman ng DBM na maaaring maapektuhan sakaling magkaroon na naman ng panibagong round ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa susunod na taon.
Kung magkaroon na naman ng community restrictions ay posibleng nasa P82 billion ang mawawalang tax revenue sa bansa at hindi mapopondohan ang P151 billion unprogrammed funds kung saan kasama rito ang para sana ay sa booster shots.
Paliwanag pa ni Canda, hindi nila pinaglaanan ng kongkretong pondo ang COVID-19 booster shots dahil mayroon namang nakapaloob sa ilalim ng Department of Health (DOH) na COVID-19 vaccines na first at second dose na kayang bakunahan ang nasa 80 million na mga Pilipino.