DBM, hinimok ang mga ahensya na gamitin ang calamity funds matapos ang lindol sa Cebu

Hinimok ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang mga ahensya ng pamahalaan na agad gamitin ang kanilang Quick Response Funds (QRF) matapos ang 6.9-magnitude na lindol sa Cebu.

Nabatid na nais ng DBM na maisakatuparan ang agarang pagbibigay ng tulong at rehabilitasyon sa mga komunidad base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Pangandaman, sa ganitong mga pagkakataon, hindi dapat nade-delay ang tulong ng pamahalaan. May nakalaang QRF ang mga ahensya gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Office of Civil Defense (OCD) na maaari nang gamitin para agarang maihatid ang tulong sa mga apektado.

Kabilang sa mga gagawin ay ang pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad at heritage sites upang masigurong agad na makabangon ang mga komunidad.

Inatasan din ni Pangandaman ang DBM at Procurement Service regional office sa Cebu at mga karatig-lugar na agad tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga kawani, magsumite ng ulat, at magsagawa ng inspeksyon.

Gayundin, inutusan ang mga regional office ng DBM sa Central at Eastern Visayas na makipag-ugnayan sa kanilang counterpart sa OCD upang matukoy ang mga pangangailangan kung saan maaaring makatulong ang DBM.

Facebook Comments