DBM, inaprubahan na ang pagpapalabas ng SARO na nagkakahalaga ng mahigit 4.1 bilyong piso para sa Targeted Cash Transfer program ng DSWD

Inaprubahan na ng Department of Budget and Management o DBM ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order o SARO na nagkakahalaga ng mahigit ₱4.1 bilyong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay para matulungan ang pasakit na dala ng epekto ng inflation lalo na sa pinakamahihirap na pamilya sa pamamagitan ng Targeted Cash Transfer program.

Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, magandang balita ito para sa mga benepisyaryo para sa second tranche ng TCT program.


Aniya ang sektor na ito ang lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasoline at iba pang bilihin.

Paliwanag ni Pangandaman na ang tulong na ito ng pamahalaan ay patunay na narito lamang ang gobyerno para sa pinakamahihirap na pamilya.

Saklaw aniya ng 4.1 bilyong pisong pondong ito ang apat na milyong mga non-4Ps beneficiaries na tatanggap ng tig-500 piso kada buwan sa loob ng dalawang buwan.

Sinabi ni Pangandaman na hangga’t kakayanin, patuloy na susuportahan ng gobyerno ang mga programa na makapagpapagaan ng buhay ng mga mahihirap na Pilipino.

Facebook Comments