Nakatakdang isumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga dokumento na may kaugnayan sa imbestigasyon ng Ombudsman sa mga umano’y iregularidad sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19.
Ayon kay DBM Secretary Wendel Avisado, inaasahang maipapasa nila ngayong araw ang mga hinihinging dokumento ng Ombudsman.
Handa aniya ang ahensya na makipagtulungan sa gagawing pagsisiyasat ng Ombudsman.
Nabatid na ipinag-utos ni Ombudsman Samuel Martires sa DBM at Department of Health (DOH) na magsumite ng special allotment release orders hinggil sa cash benefits para sa pamilya ng frontliners na namatay dahil sa COVID-19.
Iniimbestigahan din ng Ombudsman si Health Secretary Francisco Duque III at iba pang opisyal dahil sa pagbili ng 100,000 test kits, pagka-antala ng pagbili ng Personal Protective Equipments (PPEs) at iba pang medical gears para sa mga healthcare worker, pagkukulang at iregularidad na nagresulta sa pagkamatay ng ilang medical workers, pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit at namamatay na health frontliners, kawalan ng aksyon sa paglalabas ng benepisyo at financial assistance sa mga namatay at nagkasakit na medical workers, at nakakalito na pag-uulat ng COVID-19 cases.