
Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na nakahanda sila kung sakaling mauwi sa reenacted budget sa susunod na taon.
Sa gitna ito ng patuloy na pagbusisi sa mga kwestiyunableng item sa 2026 national budget partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ngunit sabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya at mahalagang maaprubahan ang 2026 budget lalo’t walang maibibigay na serbisyo at tulong ang pamahalaan sa taumbayan kung walang pondo.
Handa naman aniya ang ehekutibo na makipagtulungan sa Kongreso upang ayusin ang mga kwestyunableng item, partikular sa mga proyekto ng DPWH.
Una nang sinabi nina Pangandaman at DPWH Secretary Vince Dizon na hindi lalampas ng dalawang linggo ang pag-review ng budget ng kagawaran alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Navotas Representative Toby Tiangco kay Ako Bicol party-list Representative Alfredo Garbin na huwag ilihis ang isyu at pananagutin si Representative Zaldy Co sa umano’y insertion sa 2025 budget.









