DBM, nagpadala ng liham sa Kongreso laman ang paliwanag ukol sa paglilipat ng confidential funds sa OVP

Nagpadala ng liham ang Department of Budget and Management o DBM sa House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni AKO Bicol Party-list Representative Elizaldy Co.

Sabi ni Co, nakasaad sa liham ay ang paliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ukol sa paglalabas ng nasa ₱125 million na pondo sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte noong 2022.

Ayon kay Co, sinasabi sa liham na ang salaping ibinigay sa Office of the Vice President (OVP) ay mula sa ₱7 billion na contingent fund noong 2022 at bilang suporta sa Good Governance Engagements and Social Services Projects ng tanggapan ng bise presidente.


Binanggit ni Co na base sa liham ng DBM, ang ₱125 million ay malaking bahagi ng kabuuang ₱221.42 million na ibinigay sa OVP mula sa contingent fund sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.

Dagdag pa ni Representative Co, sa liham ay binigyang diin ni Secretary Pangandaman na sa nabanggit na paglilipat ng pondo sa OVP ay hindi nalabag ang power of the purse ng Kongreso.

Inilahad din aniya sa liham na ang paggamit ng confidential funds ay hindi limitado sa isang partikular na ahensya o tanggapan maliban sa pagbili ng motor vehicles.

Facebook Comments