DBM, nangakong ilalabas sa susunod na linggo ang P1 bilyon para sa biktima ng Marawi Siege

Inaasahang sa susunod na linggo ay ilalabas na ng Department of Budget and Management o DBM ang mahigit 1 bilyong piso na Marawi compensation fund sa ilalim ng 2023 national budget.

Ayon kay Deputy Minority Leader and Basilan Rep. Mujiv Hataman, inihayag ito ng DBM sa deliberasyon ng Kamara sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.

Binanggit ni Hataman na base sa pahayag ng DBM, naisumite na ng Marawi Compensation Board ang request para mai-download ang kabuuang ₱1.023-billion na budget na ibabayad na danyos sa 362 claimants.


Bukod dito ay ikinalugod din ni Hataman ang pangako ng DBM na itataas sa 5 bilyong piso ang Marawi Compensation Fund sa 2024.

Para kay Hataman, ang katuparan nito ay malaking tagumpay para sa biktima ng Marawi Siege na naghintay ng mahigit anim na taon para maitayo ang kanilang mga nasirang tahanan.

Katwiran pa ni Hataman, hindi talaga sasapat ang naunang ₱1-billion na panukala para sa kompensasyon dahil hanggang August 31 ay nasa 4,762 na ang naghain ng claims.

Facebook Comments