DBM, nilinaw na hindi regular program ang SCP na nakapaloob ang pagbibigay ng ‘Libreng Sakay’

Hindi regular program sa gobyerno ang Service Contracting Program (SCP) na nakapaloob ang pagbibigay ng ‘Libreng Sakay’ ng ilang pampublikong sasakyan simula pa noong unang bugso ng pandemya.

Ito ang nilinaw ng Department of Budget and Management o DBM sa kanilang inilabas na official statement.

Paliwanag ng ahensya, ang SCP ay isang one-time expenditure item kaya naman walang pondo na inilaan dito ang pamahalaan para sa susunod na taon.


Hindi aniya ito kasama sa 2023 National Expenditure Program (NEP).

Ayon sa ahensya, nagkaroon ng ganitong programa ang Department of Transportation (DOTr) dahil sa nais ng gobyerno na matulungan ang road transport sector na matinding apektado ng COVID-19 pandemic ng mga nakalipas na taon.

Ngayon taon naman ayon sa DBM, ang layunin ng SCP ay mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga pasahero kaya naglaan pa ang gobyerno ng dagdag pondo para sa ‘Libreng Sakay’ hanggang Disyembre.

Inaasahan ng DBM na sa susunod na taon magiging stabilize na ang presyo ng langis.

Sinabi ng DBM, bahala na ang mga mambabatas na magdesisyon kung isasama ang SCP sa paglalaanan ng pondo para next year.

Sa ngayon, susunod lamang aniya sila sa polisiya ng Department of Finance (DOF) na may kaugnayan sa sustainability at pagpapatuloy ng mga programa may kinalaman sa financial assistance.

Facebook Comments