Pinag-iingat ng Department of Budget and Management (DBM) ang publiko laban sa mga magtatangkang mag-alok ng kontrata gamit ang pangalan ng kanilang tanggapan.
Ibinabala ito ni Budget Sec. Amenah Pangandaman matapos masampahan na ng reklamo ang ilang indibidwal na nagpanggap na mula sa DBM kabilang ang isang nagpakilalang undersecretary.
Nabatid na tinangka ng mga suspek na biktimahin ang isang negosyante sa pag-aalok dito na pumasok sa isang proyekto na nagkakahalaga ng ₱1.3 bilyon.
Nakipag-ugnayan muna ang target na biktima sa DBM kaya’t nalaman niyang peke ang mga nakausap at hindi totoo ang alok nilang proyekto.
Kaugnay nito, nasakote ang mga suspek sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation.
Ayon kay Sec. Pangandaman, dapat maging mapanuri ang publiko sa sinumang nagpapakilalang tauhan ng gobyerno at nag-aalok ng kung ano-ano.
Sa kabila nito, umaasa ang kalihim na magsisilbing matinding babala ito sa mga kriminal na nagtatangkang sumubok nito.