Naniniwala si Budget Secretary Wendel Avisado na kailangang taasan ang 15% na limitasyon ng advance payments sa halaga ng kontrata para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
Katwiran ni Avisado, sa pamamagitan nito ay masisiguro ang napapanahon at maayos na pagpapatupad ng COVID-19 vaccination plan ng gobyerno.
Gusto kasi aniya ng mga pharmaceutical companies na i-advance na ang bayad bago nila i-deliver ang mga bakuna sa bansa.
Kung ganito aniya ang gustong mangyari ng mga gumagawa ng bakuna, talaga aniyang mauunahan tayo ng mga mayayamang bansa.
Aminado rin si Avisado na nahihirapan ang gobyerno sa ngayon sa pakikipag-negosasyon sa iba’t ibang pharmaceutical companies dahil sa limitasyon na nakasaad sa ating mga batas.
Sa ilalim ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act, nakasaad na ang advance payment ay hindi dapat lumagpas ng 15% ng kabuuang halaga ng kontrata, maliban na lamang kung ipag-uutos ng Pangulo ng bansa.