Matinding sermon ang inabot ng Department of Budget and Management o DBM mula kay Senator Cynthia Villar sa pagdinig ng pinamumunuan nitong Committee on Agriculture and Food.
Nagalit si Senator Villar nang malaman na pinadaan pa ng DBM sa Department of Agriculture (DA) ang Agricultural Competitiveness Enhancement Fund o ACEF.
Sa report ng Bureau of Treasury, mula 2016 hanggang sa unang bahagi ng kasalukuyang taon ay umaabot na sa 4.9 billion pesos ang ACEF na mula sa taripa na kinokolekta ng Bureau of Customs (BOC) sa mga produktong agrikultural.
Giit ni Villar, sa inamyendahang batas, ang 80% ng ACEF ay dapat ideretso sa Landbank of the Philippines para ipautang sa mga magsasaka, habang 10% nito ay para sa pananaliksik ng state colleges and universities at ang 10% pa ay para naman sa scholarship ng Commission on Higher Education (CHED).
Ayon kay Villar, inalis sa DA ang ACEF program dahil sa mga reklamong hindi pag-release ng budget para sa scholarship kaya maraming mga estudyante ang nahirapang kunin ang kanilang diploma.
Bukod pa ito sa 7 billion pesos na bad loans o mga pautang na hindi nabayaran.