Siniguro ng Department of Budget and Management (DBM) na magpapatuloy ang pagre-release ng mga kinakailangang pondo sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon.
Ayon kay DBM Secretary Wendel Avisado, magpapatuloy ang operasyon ng kanilang tanggapan para sa paglalabas ng allotments at cash allocations na kakailanganin ng pamahalaan.
Halimbawa ang pondo ng Department of Health para sa pagtugon sa COVID-19 at iba pang health concern.
Kabilang din ang pondo para sa infrastructure projects sa ilalim ng Build, Build, Build Program, at maging ang pondo para sa peace and order requirements ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pa.
Tiniyak naman ni Secretary Avisado na gagawin nila ang kanilang tungkulin habang ino-obserbahan ang mga health protocols na isinasaad sa memorandum na ibinaba ni Executive Secretary Salvador Medialdea kaugnay sa ECQ sa buong Luzon.
Ang kasalukuyang sitwasyon, aniya, ay nangangailangan ng kooperasyon mula sa government at private sector upang matugunan ang health emergency sa bansa, maging ang epektong kaakibat nito.