
Hindi pa hawak ng Department of Budget and Management (DBM) ang listahan ng mga contractor na posibleng ma-blacklist dahil sa mga palpak at “ghost” projects.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, nasa Department of Public Works and Highways (DPWH) pa ang naturang listahan na nangunguna ngayon sa imbestigasyon kaugnay ng mga kapalpakan sa ilang proyekto partikular ang flood control projects ng pamahalaan.
Sabi ni Pangandaman, maaaring ilagay sa blacklist ang mga contractor na sangkot sa anumalya alinsunod sa New Government Procurement Act.
Kabilang sa maaaring magsampa ng kaso ang mga implementing agencies gaya ng DPWH, Department of Economy, Planning, and Development (DepDev), at Commission on Audit (COA), kung mapatunayang may naging paglabag.
Naniniwala naman ang kalihim na aaksyunan na ito ng DPWH.
Samantala, kanina nang pormal na ilunsad ng DBM ang 2024 Agency Performance Review Report na tinawag na “Budget ng Bayan Monitor.”
Sakop ng report ang pagsusuri sa performance ng mga ahensya ng gobyerno, constitutional commissions, state universities and colleges, at iba pang executive offices.
Layon nitong alamin kung paano ginastos ang pondong inilaan para sa kanila at kung naipapatupad ng maayos ang mga proyekto.









