DCPO, MARIING PINABULAANAN ANG INSIDENTE NG NAKURYENTENG KABATAAN NOONG KASAGSAGAN NG BAGYO

Mariing pinabulaanan ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang kumakalat na ulat na may mga batang nasawi matapos umano silang makuryente kasunod ng pananalasa ni Super Typhoon Uwan.

Ayon kay Police Colonel Orly Z. Pagaduan, Officer-in-Charge City Director ng DCPO, walang katotohanan ang naturang impormasyon na mabilis na kumalat sa social media. Aniya, ang ganitong mga fake news ay nagdudulot lamang ng hindi kinakailangang takot at kalituhan sa mga mamamayan.

Bago pa man tumama ang bagyo, nagsagawa na ng pre-emptive evacuation efforts ang pulisya katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Dagupan upang mailigtas ang mga residente sa mga mababang lugar. Gayunman, kinumpirma ng opisyal na may ilang pamilya ang tumangging lumikas agad, at humingi na lamang ng tulong nang tumaas na ang tubig, na naglagay sa panganib sa mga residente at maging sa mga rescue personnel.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang Dagupan City Police Office sa clearing operations, relief distribution, at pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa mga evacuation centers sa buong lungsod.

Dagdag pa ni Pagaduan, nananatiling pinakamataas na prayoridad ng pulisya ang kaligtasan at kapakanan ng bawat Dagupeño, kasabay ng panawagang manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon ng mga naapektuhang lugar.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan at law enforcement agencies para sa mabilis na pagbangon at pagbabalik ng normal na pamumuhay ng mga mamamayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments