Manila, Philippines – Kinalampag ni Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez ang mga kongresista na agad na pagtibayin ang panukala para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.
Sa kasalukuyan ang Disaster Preparedness and Management ay nasa poder ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na nasa ilalim lamang ng Office of Civil Defense na attached agency naman ng Department of National Defense.
Naniniwala si Romualdez na mas magiging kumprehensibo ang paghahanda ng gobyerno laban sa kalamidad kung mayroong hiwalay na departamento na mangangasiwa dito.
Si Romualdez ang pangunahing may-akda ng DDR sa Kamara matapos na salantain ng bagyong Yolanda ang Leyte at mga karatig na lalawigan.
Aniya, isa sa naging pahirap noon sa mga biktima ng bagyong Yolanda ay ang kawalang ng central agency na nagpapatakbo ng disaster response at relief operations.
Mahalaga aniya ang pagkakaroon ng hiwalay na sangay ng pamahalaan na tututok lamang sa disaster preparedness para matulungan ang mga publiko na agad makabangon sa hagupit ng kalamidad.