Inatasan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang DSWD Field Office 11 (Davao Region) na tumulong sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa isang opisyal ng barangay na umano’y bumawas ng pera mula sa cash aid na tinanggap ng isang buntis.
Kinaltas umano ng nasabing barangay official na pansamantalang hindi pinangalanan ang halagang Php8,500 mula sa Php10,000 halaga ng cash aid na natanggap ng isang buntis na ginang nitong nakaraang Huwebes (June 6).
Sa ulat ng DSWD Davao Region field office, kinilala ang biktima na si Anne Villarin, beneficiary ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na nakatanggap ng Php10,000 sa ginanap na payout sa Davao.
Napag-alaman na sinabihan umano si Villarin ng isang hindi nakilala indibidwal na i-remit ang Php10,000 sa kanilang barangay na siya naman nyang ginawa subalit sa kanyang pagtataka Php 1,500 halaga na lang ang ibinigay sa kanya dahil kinaltas na ng barangay official ang halagang Php8,500.
Dahil dito, agad na nagbigay ng direktiba ang DSWD chief kay Davao Regional Director Vanessa Gocong na tulungan si Villarin sa pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa nasasangkot na barangay official.
Sinabi pa ni Secretary Gatchalian na tatayo rin bilang co-complainant ang DSWD Field Office 11 dahil ang Php10,000 ay galing sa AICS program ng ahensya.