Manila, Philippines – Masama ang kutob ni Senator Leila De Lima sa tunay na motibo ng Ombudsman sa paghingi sa kanya ng paliwanag sa loob ng tatlong araw ukol sa Implementing Rules and Regulations o IRR ng Good Conduct Time Allowance o GCTA law.
Ayon kay De Lima, nakasaad sa liham na ipinadala sa kanya na nagsasagawa ang Office of the Ombudsman ng fact-finding investigation ukol sa mga iregularidad sa pagpapatupad ng GCTA Law.
Nais malaman ni De Lima kung sa naturang usapin ay tinatrato ba siya ng Ombudsman na resource person, respondent, o probable respondent.
Ang IRR ng GCTA law ay nabuo sa panahon na si De Lima ang nakaupong kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Nangangamba si De Lima na ang hakbang ng Ombudsman ay isang set up sa kanya at kay dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas para sila ang madiin sa Sanchez-Faeldon scandal kung saan wala silang kinalaman.
Bunsod nito ay kokonsultahin muna ni De Lima ang kanyang mga abogado bago ibigay ang paliwanag na hinihingi ng Ombudsman.