De Lima: Recto Bank exploration deal ng Pilipinas at China, hindi dapat kilalanin kung hindi naman tiyak ang pagiging constitutional nito

Inalmahan ni Senator Leila de Lima ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kilalanin ang kasunduan ng Pilipinas at China pagdating sa exploration sa Recto Bank.

Ayon kay de Lima, ang tanging paraan lamang para ituloy ang exploration deal ay ang kilalanin ng China ang ating karapatan sa Exclusive Economic Zone sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Sabi pa ng Senadora, tila nagiging tagapagsalita nanaman ng China si Pangulong Duterte sa kabila ng mga ginawa ng kanilang patrol boats sa ating survey ship na nasa Reed Bank.


Matatandaang sa Talk to the People ng Pangulo noong Lunes ay sinabi niya na dapat kilalanin ng bansa ang kasunduan sa joint exploration sa recto bank kasama ng China dahil hindi naman natin kakayanin na makipagdigmaan sa kanila.

Noong Nobyembre 2018, lumagda ng Memorandum of Understanding si Pangulong Duterte at si Chinese President Xi Jinping sa joint maritime oil at gas exploration pero hindi isinasapubliko ang mga detalye sa kabila ng hiling ng Senado at ng taumbayan.

Sabi pa ni De Lima, hindi maaaring kilalanin ng Pilipinas ang kasunduan kung hindi naman alam kung constitutional ito at magsisilbi para sa interes ng mga Pilipino.

Facebook Comments