Iminungkahi ni Senator Risa Hontiveros ang pagsusulong ng de-militarization sa West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay pa rin ito sa tumitinding tensyon sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China kung saan mayroong ilang sundalo ang nagtamo ng injuries at ang isa ay naputulan pa ng daliri.
Giit ni Hontiveros, dapat na paulit-ulit na kondenahin at tuligsain ang ginagawang pangha-harass ng China sa bansa partikular sa Ayungin shoal.
Lubha aniyang nilabag ng China ang international law at human rights at hindi dapat nangyayari ang ganitong mga karahasan sa ating karagatan sa loob ng teritoryo.
Dahil dito, itinutulak ni Hontiveros ang de-militarization sa West Philippine Sea o gawan ng paraan upang mas kaunting ang panghihimasok at military action mula sa kalabang puwersa.
Nanawagan ang senadora sa pamahalaan na ipaubaya ang pulitika at diplomasya sa ating Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), mga mangingisda at sa aksyon ng mga sibilyan.