Hinikayat ni Senate Sports Committee Chairman Christopher “Bong” Go ang mga kabataang Pilipino na may talento sa sports na lumahok sa National Academy of Sports Annual Search for Competent, Exceptional, Notable and Talented Student-Athlete Scholars (NASCENT-SAS) Program.
Ang aplikasyon para sa nabanggit na scholarship program ay inilunsad nitong June 18 at ayon kay Go, pinalawig pa ito hanggang July 31.
Ang pagtatayo ng National Academy of Sports ay alinsunod sa Republic Act No. 11470 na ipinasa noong nakaraang taon at layuning mapahusay ang ating mga atleta habang sila ay patuloy na tumatanggap ng dekalidad na edukasyon.
Paliwanag ni Go, ang NASCENT-SAS Program ay taunang gagawin para mabigyan ng tsansa ang mga kwalipikadong student athlete na makatanggap ng scholarships.
Pasok na mag-apply dito ang lahat ng mga kabataang Pilipino na academically competent at may talento sa sports, anuman ang sektor na kinakabilangan nila kasama ang mga katutubo, may kapansanan at maralita.
Ang mga makakapasang scholars ng National Academy of Sports sa New Clark City, Capas, Tarlac ay titira sa dormitoryo nito habang nag-aaral at magkakaroon sila ng access sa specialized sports training sa world-class facilities.
Sabi pa ni Go, mabibigyan din sila ng pagkakataon na maging kinatawan ng Pilipinas sa mga international competitions at exchange programs.
Dagdag pa ni Go, magkaroon din ng buwanang allowance ang mga scholarship depende sa availability ng pondo.