DEADLINE | Pagsusumite ng mga kandidato ng detalye sa kanilang mga nagastos sa nakalipas na halalan, hanggang bukas na lamang

Manila, Philippines – Bagaman at idineklarang holiday ngayong araw dahil sa 120th Independence Day, tatanggap ang mga opisina ng Commission on Elections (COMELEC) ng mga isusumiteng Statement of Contribution and Expenditure (SOCE).

Paalala ng COMELEC, obligado ang lahat ng mga kumandidato, nanalo man o natalo, sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections noong May 14, 2018 na magsumite ng SOCE.

Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, mayroon na lamang hanggang bukas ang mga kumandidato para magsumite ng detalye ng kanilang ginastos sa kanilang kampanya.


Ang mga mabibigong magsumite ng SOCE ay mahaharap sa reklamong administratibo at maari pang mapatawan ng panghabang buhay na disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.

Sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act 7166, ang paghahain ng SOCE ay itinatakda sa loob ng 30 araw magmula nang matapos ang eleksyon.

Facebook Comments