Pinalawig pa hanggang Setyembre 30 ng Social Security System (SSS) ang deadline para sa mga pensioners na ilipat ang kanilang disbursement accounts sa participating banks o e-wallets sa ilalim ng Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) o Remittance Transfer Companies Cash payout outlets.
Ayon kay SSS President at CEO Aurora Ignacio, hanggang Abril 2021 ay mayroon pang 104,955 pensioners ang hindi pa nakakatugon sa requirement.
Paliwanag pa ni Ignacio na ang pagpalawig sa deadline ay para bigyan pa ng sapat na panahon ang mga SSS pensioners na makumpleto ang requirement sa gitna ng community quarantine protocols.
Dagdag pa ni Ignacio na pagkakataon din ito ng mga accredited rural banks na kumpletuhin ang kanilang applications para maisama sa PESONet.
Gayunman, pagtiyak pa ng SSS na patuloy pa ring makakatanggap ng pension ang mga miyembro kahit hindi pa nakakasunod sa bagong requirement.