Pansamantala munang inialis ang deadline para sa cashless na pagbabayad sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Ito ay matapos itakda noong ika-2 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre 2020 ang unang deadlines sa pag-apply, na pinalawig pa hanggang ngayong ika-11 ng Enero 2021.
Ayon kay Toll Regulatory Board (TRB) Board Member Raymundo Junia, wala pang petsa kung hanggang kailan ang pag-apply sa nasabing cashless transaction.
Handa naman silang tumanggap ng mga katanungan at apela hinggil sa suspensiyon ng deadline.
Nabatid na sa NLEX, humantong pa sa suspensiyon ng business permit mula sa Valenzuela City Local Government Unit (LGU) ang matinding traffic na idinulot ng palpak na Radio-Frequency Identification (RFID) scanners sa mga toll booth.
Paliwanag ni Junia, ang mga ganitong insidente ang pangunahing dahilan kung bakit walang bagong deadline na itinakda ang TRB para sa mga motorista.