Deadline sa pagbabayad ng kontribusyon, pinalawig

Dahil sa kasalukuyang COVID-19 pandemic, muling pinalawig ng PhilHealth ang deadline sa pagbabayad ng kontribusyon para sa mga self-paying members hanggang Hunyo 30, 2020, samantalang ang flexible at deferred payment scheme naman ay nananatiling option para sa miyembrong Overseas Filipino Workers.

Sa Advisory No. 2020-038 na ipinalabas ng Ahensya, itinakda nito ang pagpapalawig ng pagbabayad ng kontribusyon hanggang katapusan ng Hunyo 2020 para sa self-earning individuals, professional practitioners at kabilang sa group enrolment schemes. Maaari nilang bayaran ito sa alinmang accredited na collecting agents (ACAs) at local health insurance offices (LHIOs) ng PhilHealth sa buong bansa.

Samantala, ang mga employer sa pampubliko at pribadong sektor ay maaaring mag-remit para sa applicable months ng Pebrero, Marso at Abril 2020 hanggang Hunyo 22, 2020 ng walang interes, alinsunod sa Bayanihan To Health as One Act, sa alinmang LHIOs, ACAs pati na sa CIS Bayad Centers at third party agents nito, o sa pamamagitan ng electronic premium remittance system (EPRS) online


Sa isa pang Advisory No. 2020-037 ay pinayuhan ang OFWs na saklaw ng pagpapatupad ng Universal Health Care Law na magbayad ng paunang P2,400 at ang balanse ay maaaring bayaran sa loob ng 12 buwan mula sa petsa ng paunang bayad.

Nilinaw pa ng PhilHealth na ang pagbabayad ng kontribusyon ay nananatiling voluntary habang nakataas ang pandemya, at ang mga probisyon ng UHC Law ay nananatiling aplikable bagamat pansamantalang suspendido habang ito ay pinag-aaralan pa sa Kongreso.

Pinayuhan naman ang mga repatriated migrant workers o OFWs in distress na magprisinta sa local social welfare officers ng sertipikasyon mula sa Overseas Workers and Welfare Administration para sila ay maibilang sa Indirect Contributors ng programa. Sa ilalim ng batas UHC, ang kontribusyon ng indirect contributors ay sinasagot ng pamahalaan. END

Facebook Comments