Deadline sa pagbuo ng mga kooperatiba ng mga Public Utility Driver at Operator, mananatili ayon sa DOTr

Nanindigan ang Department of Transportation o DOTr na wala nang extension ang ibinigay nilang deadline sa mga Public Utility Vehicle Operator at Driver na bumuo ng kooperatiba

Ito ang inihayag ni Transportation Sec. Jaime Bautista kasabay ng pagpapaliban ng phaseout sa mga tradisyunal na jeepney sa Disyembre sa halip na ngayong Hunyo.

Ayon kay Sec. Bautista, sasapat na ang ibinigay nilang palugit para sa mga tsuper at operator para bumuo ng kanilang kooperatiba na siyang susi upang makabili ng mga bagong unit na kanilang gagamitin sa pamamasada.


Sa sandaling mabuo na ang mga kooperatiba at makabili na ng mga bagong unit, susunod na ani Bautista ang route rationalization at pagandahin ang operasyon sa pamamagitan ng fleet management.

Sinabi naman ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, muling bibisitahin at ire-recalibrate ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga umiiral na polisiya at hakbang para sa kapakanan ng lahat.

Facebook Comments