Hanggang ngayong araw na lamang ang deadline sa paghahain ng substitution ng mga kandidato para sa eleksyon 2022.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, bukas (open) hanggang alas-5 ng hapon mamaya ang tanggapan ng komisyon para sa mga partido at indibidwal na magpapalit ng kandidatura para sa halalan.
Naniniwala naman ang tagapagsalita na sa gitna ng mga kumukwestiyon, mahalaga ang substitution para sa interes ng mga kandidato.
Pero aniya, kailangang magkaroon ng regulasyon para hindi ito maabuso.
Matatandaang una nang naghain ang Makabayan bloc sa kamara ng panukalang batas na layong tutulan ang paggamit ng withdrawal at bigyang-daan ang substitution ng mga kandidato.
Sa ngayon, muling panawagan ni Jimenez sa mga pulitiko na huwag nang magdala ng supporters sa paghahain ng substitution bilang pag-iingat sa posibleng pagkahawa sa COVID-19.