Manila, Philippines – Sa loob ng isang linggo ay magpapasya si Defense Secretary Delfin Lorenzana kung aaprubahan niya ang kasunduan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng kumpanyang Dito Telecommunity.
Kontrobersyal ang nasabing kasunduan dahil may sosyo ang Chinese government sa Dito Telecommunity na isang korporasyon na dating tinatawag na Mislatel.
Nakapaloob sa kasunduan ang pagtatayo sa loob ng kampo ng militar ng 130 transmitters ng Dito Telecommunity na naaprubahan na maging ikatlong telecom firm sa bansa.
Pangako ni Lorenzana sa oras na matanggap niya ang rekumendasyon ng legal office ng kanilang tanggapan ay magdedesisyon siya batay sa interest ng bansa at sa pangangailangan.
Sakaling matuloy ang kasunduan ay sinabi ni Lorenzana na itatayo ang mga transmitter o tower ng Dito kung saan nakatayo na ang towers ng Globe at Smart.
Ipinaliwanag din Lorenzana na itinatayo sa loob ng military camps ang telco tower para maproteksyunan laban sa pagpapasabog ng mga rebeldeng grupo.
Samantala, iginiit naman nina Senate minority leader Franklin Drilon at Senator Ping Lacson na hindi dapat libre ang mga telco sa pagtatayo ng transmitters sa loob ng military camps.