Iginiit ni San Jose del Monte City Rep. Florida Robes na ngayon ang tamang panahon para muling ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Kasunod ito ng karumal-dumal na pagpatay sa mag-iinang Jaymee Casabuena at 2 nitong menor de edad na anak.
Ayon kay Rep. Robes, paano igagawad ang katarungan sa mga biktima gaya ng nangyari sa mag-iinang Casabuena kung walang nararapat na batas para sa mga kriminal na halang ang kaluluwa.
Nagpasaring din si Rep. Robes sa Commission on Human Rights. Nagpapanggap umano ito na tagapagtanggol ng buhay sa gitna ng pagdadalamhati ng pamilya Casabuena.
Labis ang panghihinayang ni Rep. Robes dahil isa sa aktibong volunteer ng ‘Si Nanay na Ayaw sa Droga’ ang pinatay na si Jaymee.
Ang programang ‘Si Nanay na Ayaw sa Droga’ ay isa sa proyektong tumutugon sa pagharap ng San Jose del Monte sa anti-illegal drugs problem ng lalawigan.
Una nang nagbigay ng ayudang pinansyal si Mayor Art Robes para sa naulila ng pamilya Casabuena bukod pa sa pag-ako sa gastusin sa pagpapalibing at alok na libreng libingan sa sementeryo na pagmamay-ari ng San Jose City.