Isinusulong ni Senator Robin Padilla ang parusang kamatayan para sa mga alagad ng batas at sa mga halal na opisyal na masasangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Nakapaloob ito sa inihaing Senate Bill 2217 ni Padilla na nag-aamyenda sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan isisingit sa probisyon ng batas na mapatawan ng death penalty ang sinumang officer o member ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) o kahit ano pa mang uniformed o law enforcement agency.
Parusang kamatayan din ang ipapataw sa sinumang elective local o national official na mapapatunayang nakinabang sa drug trafficking o tumanggap ng pinansyal o materyal na kontribusyon o donasyon mula sa mga nahatulan ng drug trafficking bukod pa ito sa parusang awtomatikong pagtanggal sa pwesto.
Hindi naman papatawan ng death sentence kung ang napatunayang may sala ay buntis o higit sa 70 taong gulang na.
Tinukoy ni Padilla ang maluwag na batas sa illegal drugs kaya kahit ang law enforcers at ilang matataas na opisyal ay hindi natatakot na masangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.