Malaki ang tiwala ng Volunteer Against Crime and Corruption o VACC na makalulusot na sa susunod na Kongreso ang parusang kamatayan o death penalty sa mga karumal-dumal na krimen, ilegal na droga at sangkot sa pandarambong mula sa kaban ng bayan.
Ayon kay VACC President Boy Evanglista, na sa nakikitang kalamangan sa boto ng mga kaalyado ng Pangulong Rodrigo Duterte sa isinasagawang Canvassing ng National Board of Canvassers (NBOC) mas nagkakaroon ng linaw ang pag-apruba sa parusang kamatayan.
Nilinaw ni Evangelista na ang kanilang isinusulong ay death penalty sa pamamagitan ng firing squad na iko-cover ng media upang hindi na pamarisan pa ang mga mapapatunayang sangkot sa malakihang pagpapakalat at pagbebenta ng ilegal na droga, mga sangkot sa karumal-dumal na krimen at ang mga sangkot sa pandarambong mula sa kaban ng bayan dahil ang plunder ay maituturing na mother of all crimes.
Argumento ng VACC na mahalaga at sagrado ang buhay ng mga mamamayan sa sumusunod sa batas at hindi kasama rito ang mga ginagawa ng matitinding krimen.
Aminado naman si Evangelista na napahirap na mailusot ang death penalty para sa mga plunderer dahil mga matataas sa gobyerno din ang mga sangkot dito subalit hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang VACC na maisusulong nila ito.