Death toll sa Abra earthquake, sumampa na sa 6 – NDRRMC

Sumampa na sa anim ang napaulat na nasawi sa magnitude 7 na lindol sa Abra noong Miyerkules.

Nadagdag sa bilang ang isang indibidwal mula Ilocos Sur na sa ngayon ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, umabot na rin sa 136 ang reported injuries habang apat ang nawawala.


Kabuuang 79,260 indibidwal o 19,486 families mula sa 246 na mga barangay sa Ilocos Region at Cordillera ang naapektuhan ng lindol.

Nasa 1,622 pamilya o 5,819 indibidwal naman ang nananatili pa rin sa 26 na evacuation centers habang 360 pamilya o katumbas ng 1,512 indibidwal ang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak.

Nananatili naman sa open spaces malapit sa mga ospital ang mga pasyenteng inilikas din dahil sa lindol.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga ospital na tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid nila ng serbisyo kahit nagpapatuloy ang assessment sa naging pinsala ng lindol sa mga health facility.

Umabot na P48.3 million ang halaga ng pinsalang iniwan ng malakas na lindol sa Ilocos, Cagayan at Cordillera Regions.

Batay sa 6.a.m report ng NDRRMC, umakyat na rin sa P4.5 million ang halaga ng pinsala irigasyon habang P3.8 million sa sektor ng agrikultura partikular sa Cordillera.

Nasa 1,583 kabahayan naman ang nasira ng lindol kung saan 1,535 dito ang partially damaged habang 48 ang tuluyang nawasak.

Nakapagtala rin ang ahensya ng tatlong falling incidents, dalawang landslide at tatlong pagguho ng istrukturta sa Ilocos at Cordillera.

11 kalsada pa ang hindi madaanan habang 79 na mga kalsada at pitong tulay ang bukas na ulit sa mga motorista.

Samantala, ayon kay Timbal ay fully-restored na ang suplay ng kuryente sa 38 mga lungsod at munisipalidad habang isang lugar na lamang ang patuloy na nakararanas ng water supply interruption.

Unti-unti na ring naibabalik ang signal at internet.

Kanselado naman ang 94 na klase at 183 work schedules sa Ilocos, Cagayan at Cordillera dahil sa lindol.

Facebook Comments