Umakyat na sa 25,401 ang bilang ng nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Turkey at Syria noong nakaraang linggo.
Sa nasabing bilang, 21,848 ang namatay sa Turkey habang 3,553 sa Syria.
Una nang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na dalawang Pinay sa Antakya City sa Turkey ang kasamang nasawi sa lindol.
Handa naman ang Pilipinas na magpadala ng ikalawang batch ng search and rescue team sa Turkey kung kakailanganin.
Matatandaang noong nakaraang linggo nang lumipad patungong Turkey ang higit 80 kataong contingent ng Armed Forces of the Philippines, Office of Civil Defense, Department of Health, Metro Manila Development Authority at Subic Bay Metropolitan Authority upang tumulong sa pagliligtas ng mga naapektuhan ng lindol.
Dalawang linggong tatagal ang kanilang misyon sa Turkey o hanggang sa February 27.