Hindi na itutuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang nakatakda nitong vice presidential at presidential debates sa April 30 at May 1.
Sa halip, ayon kay Commissioner George Garcia, itutulak na lamang nila, katuwang ang Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP) na magsagawa ng panel interview sa kada kandidato bilang ‘concluding event’ ng PiliPinas Debates 2022 Series.
Konsiderasyon na rin ito sa hindi maiiwasang “scheduling conflicts” lalo’t naghahabol sa pangangampanya ang mga kandidato dahil dalawang linggo na lamang bago ang eleksyon.
Samantala, gaganapin ang panel interview mula May 2 hanggang 6.
Lahat ng kandidato ay sasalang sa isang oras na interview na pwede nilang daluhan virtual o face-to-face at one-on-one o kasama ang kanilang running mate.
Anumang araw ay maglalabas ng abiso ang Comelec para sa iba pang detalye ng gagawing panel interview.