Debate ng mga kandidato sa pagka-Pangulo, dapat gawin face-to-face at hindi virtual

Iginiit ng mga Senador, na dapat ay harapan o face-to-face gawin ang debate ng mga kandidato sa pagka-pangulo at hindi virtual o online lamang.

Giit ni Senate President Tito Sotto III, useless kung virtual ang debate dahil mga staff lang ang sasagot sa mga tanong at debate points kaya hindi masusukat ng taumbayan ang tunay nilang abilidad.

Paliwanag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang debate ay subukan ng kakayahan ng mga gustong maging lider ng bansa sa loob ng anim na taon.


Sabi ni Drilon, Maaring idaos ang debate ng harapan habang sinusunod ang mga safety protocols.

Binanggit naman ni Senator Koko Pimentel na pwedeng harapan na may social distancing ang debate ng mga kandidato habang may live coverage ng tv, radyo, social media at walang live audience para makapag-ingat mula sa COVID-19.

Diin naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, iba kapag physically engaged ang mga kandidato, lalo na sa isang debate na inaabangan ng mga Pilipino para makilatis nila nang husto kung sino ang iboboto nila upang mamuno sa bansa.

Dagdag pa ni Lacson, sa harapang debate ay kasamang inoobserbahan din ng mga botante ang demeanor o kilos ng bawat presidential candidate.

Facebook Comments