
Mainit agad ang naging talakayan ng mga senador sa plenaryo patungkol sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Nag-privilege speech si Senator Rodante Marcoleta at muli niyang iginiit ang unanimous decision ng Supreme Court na unconstitutional ang impeachment case laban kay VP Sara at walang hurisdiksyon dito ang Senate 20th Congress.
Ikinumpara pa ni Marcoleta sa isang hilaw na sinaing ang impeachment case na aniya’y niluto ng Kamara sabay giit na ang mababang kapulungan naman ang unang gumawa ng mali.
Sa huli, nagmosyon si Marcoleta na tuluyang i-dismiss o ibasura ang impeachment case laban sa bise presidente.
Subalit agad namang kinontra ito ni Senate Minority Leader Tito Sotto III sa pamamagitan ng “motion to table” o pagsasantabi sa naunang mosyon.
Ipinunto ni Sotto na mayroong nakaapela ngayon na motion for reconsideration ng Kamara sa Supreme Court kaya kahit “immediately and executory” ang naunang ruling ng SC ay hindi pa ito pinal.
Nagbabala pa si Sotto na “ang tumatakbo ng matulin, kapag matinik ay malalim” kaya marapat lamang na pag-isipan kung tama bang ibasura ang impeachment case.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang debate ng mga senador sa impeachment case kung saan pinag-uusapan ngayon ang posibleng pag-archive na lamang sa naturang kaso.









