Debate ni Usec. Castro at ng kampo ni Sen. Padilla sa mandatory drug testing, uminit pa

Nanindigan si Palace Press Officer Claire Castro sa nauna nitong pahayag na “unconstitutional” o labag sa batas ang panukala ni Senator Robinhood Padilla na obligahing magpa-drug test ang lahat ng halal at itinalagang opisyal ng gobyerno kada taon.

Ito’y matapos siyang payuhan ni Atty. Rudolf Philip Jurado, chief of staff ni Padilla, na basahin muli ang kasong Social Justice Society vs. Dangerous Drugs Board na kanyang binanggit, pati na rin ang mismong Senate Bill No. 1200 na inihain ng senador.

Ayon kay Jurado, dapat hayaan ang Senado na pagdebatehan at pagdesisyunan ang panukala bilang bahagi ng kanilang mandato.

Pero sabi ni Castro, nasa senador pa rin ang desisyon kung itutuloy ang panukala, ngunit tungkulin lamang ng Palasyo na ipaliwanag ang legal na batayan at mga limitasyon ng nasabing mungkahi.

Malinaw aniya sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Social Justice Society vs. Dangerous Drugs Board na ang pinapahintulutang mandatory drug testing ay random at walang partikular na pinipili.

Labag din sa karapatan sa privacy ang universal drug testing at hindi ito maituturing na lehitimo sa ilalim ng umiiral na jurisprudence.

Facebook Comments