DEC. 23, IDINEKLARA BILANG CLEAN UP DAY SA QUEZON

CAUAYAN CITY- Idineklara ng Lokal na Pamahalaan ng Quezon, Isabela ang ika-23 ng Disyembre o ngayong araw bilang Clean-Up Day sa layuning masugpo ang mga waterborne at vector-borne diseases tulad ng malaria, dengue, at leptospirosis.

Ang hakbang na ito ay isinakatuparan sa pamamagitan ng Executive Order No. 41, na nagtatakda ng malawakang clean-up drive sa buong bayan.

Layunin nitong puksain at kontrolin ang mga sakit na dulot ng stagnant water at iba pang environmental factors, pagpapalaganap ng kamalayan sa kahalagahan ng kalinisan sa kapaligiran at pag-iwas sa pagdami ng lamok at iba pang sakit.


Hinihikayat naman ang mamamayan na makiisa sa paglilinis ng kani-kanilang bakuran at komunidad, maayos na magtapon ng basura at linisin ang mga lugar na maaaring pamahayan ng lamok at makilahok sa mga aktibidad na isasagawa ng pamahalaang lokal.

Kaugnay nito, walang pasok sa mga government offices sa nasabing araw, maliban sa mga nagbibigay ng essential services tulad ng kalusugan, seguridad, at emergency response.

Ang aktibidad ay bukas sa lahat at mahalaga ang kooperasyon ng bawat isa upang makamit ang layunin ng malinis at ligtas na kapaligiran.

Ang naturang inisyatibo ay hakbang ng pamahalaang lokal upang mapanatili ang kalusugan at kapakanan ng mga residente ng Quezon, Isabela.

Facebook Comments