Manila, Philippines – Ngayong linggo maglalabas ng desisyon si Muntinlupa Regional Trial court branch 206 Judge Lou Navarro Domingo kung pagbibigyan ang hirit na furlough ng nakaditeneng si Senadora Leila De Lima.
Una nang humirit sa korte ang senadora na payagan syang makadalo sa isasagawang oral argument ng Kataas Taasang hukuman sa August 14.
Ito ay may kaugnayan sa pag-withdraw ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) bunsod ng ginagawang imbestigasyon ng tribunal kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano ay pagkakadawit nito sa crime against humanity kaugnay ng kampanya nito kontra ilegal na droga.
Ayon sa senadora labag sa ating konstitusyon ang pag-withdraw sa ICC dahil kinakailangan muna itong ratipikahan ng Senado.
Si De Lima ay nakapiit sa Philippine National Police Custodial Center simula pa noong isang taon, dahil sa pagkakadawit umano sa pagkalat ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison noong ito pa ay kalihim ng DOJ.