Manila, Philippines – Submitted For Resolution na ang hiling ng prosecution na ipaaresto at muling ikulong si dating Palawan Governor Joel Reyes.
Hinihintay na lamang desisyunan sa Sandiganbayan 3rd Division ang Omnibus Motion ng prosekusyon matapos na makumpleto ang pagsusumite ng opposition ng kampo ni Reyes at ng reply din dito ng kabilang panig.
Sa inihaing oposisyon ni Reyes, ipinababasura ng dating gobernador ang mosyon na inihain sa kanya ng prosekusyon.
Iginiit din ng kampo ni Reyes na hindi siya flight risk.
Wala ding dahilan para tumakas dahil kamakailan lamang niya natamo ang kanyang kalayaan nang ipawalang sala ito ng Court of Appeals sa kaso kaugnay ng pagpatay sa broadcaster na si Gerry Ortega.
Giit ni Reyes, hindi niya isasakripisyo ang kanyang kalayaan para lamang magtago sa isang kaso na bailable naman.
Para sa prosekusyon, hindi maaaring pagkatiwalaan si Reyes dahil dati na itong tumakas at nagtago.