Manila, Philippines – Dinedma ng Malacañang ang mga payo ni dating Interior Secretary Mar Roxas sa pagresolba ng pagtaas ng inflation sa bansa.
Nabatid nakiusap si Roxas kay Pangulong Rodrigo Duterte na ikunsidera ang kanyang mga suhestyon, kabilang ang pagdagdag sa mga inaangkat na bigas at magkaroon ng independent source at mag-angkat ng sariling supply ang mga fastfood chain, mall, grocery at supermarket chain.
Nanawagan din si Roxas na bawiin ang mga probisyon sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law hinggil sa langis at iba pang pangunahing bilihin.
Ipinasusulong din ni Roxas ang industrialized farming at isama ang mga magsasaka ang kanilang pamilya sa magiging benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer Program (CCT).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque – hindi na bago ang mga iminungkahi ni Roxas dahil isinusulong na nito ng economic team ni Pangulong Duterte.
Nabatid na pumalo sa nine-year high na 6.4% ang inflation nitong Agosto.