
Nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation sa Pasay City ang online, TV at radio personality na si Migs Bustos.
Ito ay para magsampa ng reklamo dahil ginagamit ang kanyang mukha sa mga larawan at videos sa isang love scam.
Kinopya ang mukha ni Bustos sa pamamagitan ng deep fake video na siyang ginagamit sa pambubudol ng mga love scam na nanghihingi ng pera sa mga nabibiktima nito.
Sa impormasyong nakarating kay Bustos ay may nabiktima na umabot sa 200 libong dolyar ang halaga ng nabudol dahil sa love scam.
Nag-aalala si Bustos dahil wala naman daw siyang ginagawang masama, kaya dumulog siya sa opisina ni NBI Director Jaime Santiago upang magsampa ng reklamo laban sa mga gumagamit ng kanyang mukha para mang budol.
Sinabi naman ni Director Santiago na karaniwan target ng identity theft ang mga kilalang personalidad dahil mas madaling napapaniwala ang mga tao rito.
Sinabi ng NBI na gagawin nila ang lahat para masawata ang mga gumagawa ng deep fake videos.