Deepfake video ni PBBM, ipapa-take down ng PNP-ACG sa DICT

Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Department of Information and Communication Technology (DICT) para i-take down ang kumalat na video ng isang lalaking ‘di umano ay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nakita sa aktong gumagamit ng iligal na droga.

Ito ang sinabi ni PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, kasabay ng panawagan sa publiko na huwag i-share ang naturang video dahil lumabas sa imbestigasyon na ito ay deepfake.

Sa isinagawang forensic investigation, inihayag ng PNP at NBI na ang lalaking nakita sa video sa sumisinghot ng pinaniniwalaang cocaine ay hindi si Pangulong Marcos.


Samantala, ayon naman kay PNP-ACG Director Brig. Gen. Ronnie Cariaga sa pamamagitan ng deep ware artificial intelligence detection tool gamit ang multiple algorithms, napatunayang peke ang video na ginawa sa pamamagitan ng AI.

Ani Cariaga, kapansin-pansin ang mga pagkakaiba ng facial features ng pangulo, sa hindi kilalang lalaki sa video, partikular ang sukat ng tenga, hugis ng mata, ilong, at sideburns nito.

Facebook Comments