Manila, Philippines – Hiniling ng mga kongresista ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na manatili sa kapangyarihan at kontrol ng central government ang defense at external security sa ilalim ng Bangsamoro Basic Law.
Pinangunahan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang paghahain ng House Bill 6475 na kung saan layong manatili pa rin sa pamahalaan ang kontrol sa mga law enforcers ng Bangsamoro sa kabila ng pagkakaroon ng mga ito ng sariling pulis at sundalo.
Ito ay upang matiyak ang pangkalahatang kaayusan at iisang sistema pagdating sa security forces.
Nai-refer na ang panukala sa House Committee on Local Governments at Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity ng Committee on Muslim Affairs.
Layon ng BBL na palitan ang ARMM ng Bangsamoro region at magkaroon ng matatag na political entity bilang pagkilala sa Bangsamoro people.
Dagdag din dito ang pagpapatuloy sa mga nasimulan ng improvement sa ARMM at pagkakapantay-pantay sa hatian ng yaman, kita at iba pang aspetong panlipunan, pang-ekonomiya at sa mga mamamayan ng Bangsamoro.