Kumpyansa si Senator Migz Zubiri na mababawasan na ang pagdepende ng bansa sa mga foreign suppliers para sa mga kagamitang pang-depensa at mas mapapalakas na ang ating defense capability ngayong ganap nang batas ang Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act o SRDP Act.
Ayon kay Zubiri, na principal author at sponsor ng panukala sa Senado, magiging malaking tulong ang batas na ito sa ating defense forces at sa ating ekonomiya.
Ito ay dahil makakapagsimula na ang bansa na mag-manufacture ng sariling defense equipment sa halip na bumili ng kagamitan sa ibang bansa.
Maituturing na “game changer” ito dahil mula sa pagiging dependent sa foreign suppliers ay magiging producer na tayo sa global defense arena.
Tiwala ang mambabatas na ito ay magiging pundasyon para sa mas malakas at mas matatag na defense industry ng bansa lalo na sa harap ng potential geopolitical challenges na maaaring maka-diskaril sa suplay ng military equipment.